Ipinanganak si Tomas mula sa isang mahirap na pamilya sa India ngunit inampon siya at lumaki sa Amerika. Nang minsang bumalik si Tomas sa India, nakita niya ang kanilang mahirap na kalagayan. Alam ni Tomas ang nararapat niyang gawin. Nalalaman niyang dapat tulungan ang kanyang mga kababayan. Nagplano siyang bumalik sa Amerika, tapusin ang kanyang pag-aaral, mag-ipon ng maraming pera at bumalik muli sa kanyang bayan para tumulong.
Pero nagbago ang plano ni Tomas nang mabasa niya ang sinasabi sa Santiago 2:14-18, “Ano bang mapapala ng isang tao kung sabihin niyang mayroon siyang pananampalataya, pero wala naman siyang mabuting gawa?” Bumalik din sa kanyang alaala noong bata pa siya kung saan naghahanap siya ng makakain sa basurahan nang marinig niya ang isang batang umiiyak sa kanyang ina dahil nagugutom ito. Sa pagkakataong iyon, alam ni Tomas na hindi na niya kailangang maghintay pa nang matagal para tulungan ang kanyang mga kababayan. Nagpasya siya, “Magsisimula na ako ngayon.”
Sa kasalukuyan, ang bahay-ampunan na pinasimulan ni Tomas ay tumutulong at nangangalaga sa limampung mga bata. Tinuturuan din ang mga ito ng tungkol sa Panginoong Jesus. Naisagawa ang lahat ng ito dahil may isang taong agad na tumugon sa nais ipagawa sa kanya ng Dios.
Ang mensahe ni Santiago ay para din sa atin. Biniyayaan tayo ng Dios ng maraming mabubuting bagay kaya nararapat lamang na simulan na natin ngayon na tumulong sa ating kapwa.