Tinanong ako noon ng kaibigan ko habang kami ay kumakain. “Ano para sa iyo ang kapayapaan?” Sumagot naman ako, “Kapayapaan? Hindi ako sigurado. Bakit mo naitanong?” Sinabi naman niya, “Nakita kasi kita na paulitulit na ginagalaw ang mga paa mo habang nakikinig sa pagsamba. Naisip ko na parang balisa ka. Naaalala mo ba ang kapayapaang ipinagkaloob ng Dios sa mga minamahal Niya?”
Nasaktan ako sa tanong ng kaibigan ko. Pero dahil doon, nagsimula ako sa pagsaliksik sa Biblia para malaman kung paano nagkaroon ng kapayapaan ang mga nagtitiwala kay Jesus sa kabila ng mga pagsubok. Naging paalala rin sa akin ang tagubilin ni Pablo sa mga taga Colosas na ang kapayapaan ng Dios ang dapat na maghari sa kanilang mga puso (COLOSAS 3:15).
Sinulatan ni Pablo ang mga tagaColosas kahit hindi pa niya nakikilala ang mga ito. Nalaman lang niya ang tungkol sa kanila dahil sa kaibigan niyang si Epapras. Nag-alala si Pablo para sa kanila na baka mawala ang kapayapaan sa kanilang puso dahil sa mga maling katuruan. Hinikayat sila ni Pablo na patuloy na magtiwala kay Jesus na nagkakaloob ng tunay na kapayapaan at pag-asa (TAL. 15).
May mga pagkakataon na maaari nating pagtiwalaan o kalimutan ang kapayapaang kaloob ng Dios. Nawa’y lumapit tayo kay Jesus at magtiwala sa Kanya sa tuwing natatakot at nababalisa tayo. Makakaasa tayo na palagi Niyang ipagkakaloob sa atin ang Kanyang pag-ibig at kapayapaan.