Hindi maganda ang simula ng araw ng aking apo. Hindi niya mahanap ang paborito niyang damit at ang sapatos naman na gusto niyang suotin ay napakainit. Nainis siya at ibinaling ang kanyang galit sa akin na kanyang lola. Umupo siya at saka umiyak.
Tinanong ko siya kung bakit siya naiinis at nag-usap kami sandali. Nang tumahan na siya, nagtanong ulit ako sa kanya, “Naging mabuti ba ang pakikitungo mo kay lola?” Sumagot naman siya, “Hindi po ako naging mabait sa’yo, Lola. Patawarin n’yo po ako.”
Naantig ang damdamin ko sa sinabi niya. Sa halip na itanggi ang ginawa niya, naging tapat siya. Nawa’y tulad ng apo ko, humingi rin tayo ng tawad sa Dios kapag nakakagawa tayo ng mali at humingi ng tulong sa Kanya na baguhin ang ating puso.
Mababasa naman natin sa Isaias 1 na hindi nalulugod ang Dios sa kasalanan ng Israel. Laganap ang kanilang mga masasamang gawain. Gayon pa man, naging mahabagin ang Dios. Inutos Niyang aminin nila ang kanilang kasalanan at talikuran ang mga ito, “Halikayo’t pag-usapan natin ito. Kahit gaano man karumi ang inyong mga kasalanan, lilinisin Ko iyan para maging malinis kayo” (ISAIAS 1:18).
Nais ng Dios na maging tapat tayo sa pag-amin sa ating kasalanan, “kung ipinagtapat natin sa Dios ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin Niya ang ating mga kasalanan at lilinisin tayo sa lahat ng uri ng kasamaan dahil matuwid Siya” (1 JUAN 1:9). Magkakaroon tayo ng bagong simula dahil pinatawad tayo ng mahabaging Dios.