Binuklat ko ang Bibliang pambata ng aking apo at binasa ko ito sa kanya. Namangha kami dahil makikita sa bawat bahagi ng libro ang tungkol sa pag-ibig ng Dios at ang pagkakaloob Niya ng ating mga pangangailangan. Tinupi ko muna ang pahina na binabasa namin at muling tiningnan ang pamagat ng libro: The Jesus Storybook Bible: Every Story Whispers His Name. Ang lahat nga ng kuwento sa Biblia ay patungkol kay Jesus.
Minsan, mahirap unawain ang Biblia lalo na ang Lumang Tipan. Bakit nagtatagumpay ang mga taong hindi nagtitiwala sa Dios? Bakit hinahayaan ng Dios na makaranas ng hirap ang Kanyang bayan, gayong puno Siya ng kabutihan?
Nabanggit sa Bagong Tipan na makalipas ng ilang araw nang muling mabuhay si Jesus, nakisabay Siya sa dalawang tagasunod Niya na naglalakad papuntang Emmaus pero hindi nila Siya nakilala. Lubos silang nalulungkot sa pagkamatay Niya (LUCAS 24:19-24). Sinabi nila, “Umaasa pa naman kami na Siya ang magpapalaya sa Israel” (TAL. 21). Ipinaliwanag naman sa kanila ni Jesus ang lahat ng nakasulat sa Kasulatan tungkol sa Kanya, mula sa mga isinulat ni Moises hanggang sa isinulat ng mga propeta (TAL. 27).
Ang lahat ng kuwento sa Biblia ay naka sentro kay Jesus. Inihahayag dito na makasalanan ang tao at nangangailangan ng Tagapagligtas. Ninanais ng Dios na manumbalik ang nasirang relasyon ng tao sa Kanya sa pamamagitan ng pagliligtas ni Jesus.