Lumaki si Barbara sa ilalim ng pangangalaga ng pamahalaang Inglatera noong mga 1960s. Pero noong labing anim na taong gulang na si Barbara, nawalan sila ng matitirhan ng kanyang anak na sanggol na si Simon. Hindi na tungkulin ng kanilang gobyerno na alagaan siya sa ganoong edad. Sa pagkakataong iyon, sumulat si Barbara sa Reyna ng Inglatera para humingi ng tulong. Sumagot ang reyna sa kanyang sulat! Naawa ang reyna sa kalagayan ni Barbara at pinagkalooban sila ng sariling bahay.
Tunay na may kakayahan ang Reyna ng Inglatera na tulungan si Barbara. Sumasalamin ang awa at pagtulong ng reyna sa awa at pagtulong ng Dios sa atin. Alam ng Dios na Hari ng langit ang lahat ng ating mga pangangailangan. Makapangyarihan ang Dios at Siya ang may hawak sa ating buhay. Isinasakatuparan Niya ang Kanyang mga plano para sa atin. Bilang Kanyang mga anak, ninanais rin naman Niya na lumapit tayo sa Kanya at idulog ang ating mga pangangailangan at mga alalahanin.
Inilapit ng mga Israelita ang kanilang suliranin sa Dios. Nais nilang maligtas mula sa pagkakaalipin sa Egipto. Dininig ng Dios ang kanilang paghingi ng tulong, “Nakita ng Dios ang kanilang kalagayan at naawa ang Dios sa kanila” (EXODUS 2:25). Ginamit ng Dios si Moises para palayain ang Kanyang bayan at dalhin sila sa “mayaman, malawak at masaganang lupain” (3:8).
Nais ng Dios na ating hari na lumapit tayo sa Kanya. Siya ang makapangyarihang Dios na nagkakaloob ng ating mga pangangailangan. Makakaasa tayo sa Kanyang palaging pagtulong.