Inilarawan ni Giles Kelmanson na tagapag-alaga ng mga mababangis na hayop sa Africa, ang isang hindi kapanipaniwalang eksena. May dalawang honey badger na nakikipaglaban sa anim na leon. Kahit dadalawa lamang ang mga ito, hindi sila natakot makipaglaban sa mga leon na mas malaki sa kanila. Akala ng mga leon na matatalo nila ang mga ito pero makikita sa video na naglalakad palayo ang mga honey badger na tila may buong pagmamalaki dahil sa kanilang tagumpay.

Kamangha-mangha rin ang kuwento nina David at Goliat. Nang hamunin ni Goliat ang mga Israelita, walang may lakas ng loob na kalabanin siya. Natakot silang lahat sa kanya, maging ang kanilang haring si Saul (1 SAMUEL 17:11). Subalit ang walang alam sa pakikipaglaban na si David ay handang harapin ang higanteng kawal na si Goliat. Napakalakas ni Goliat at mayroon itong dalang mga sandata tulad ng espada, sibat, at punyal (TAL. 5-6).

Si David naman na isang pastol ay mayroon lamang tirador. Tila nakikita na ni Goliat na siya ang mananalo pero sa Dios naman nagtiwala si David na nagbigay sa kanya ng tapang. Sinabi niya kay Goliat, “Ibibigay ka sa akin ng Panginoon” (TAL. 46). Naniniwala ang lahat na si Goliat ang mananalo pero higit na malakas ang Dios ni David. At natalo ni David si Goliat sa pamamagitan lamang ng maliit na bato na tumama sa ulo nito. Napatunayan ni David na tunay ngang makapangyarihan ang Dios.

Madalas na pinangungunahan tayo ng mga tila ‘Goliat’ o ng mga takot sa ating buhay. Pero makakaasa tayo na higit na malakas at makapangyarihan ang ating Dios.