Nais ni Stephen Cass, editor ng isang magasin, na madiskubre ang mga ’di nakikitang bagay na bahagi ng kanyang araw-araw na buhay. Habang naglalakad siya papasok ng kanyang opisina sa New York City ay naisip niya, “Ang ganda siguro kung makikita ko ang mga radio waves sa itaas ng Empire State Building dahil magmimistula itong mga ilaw na may iba’t ibang kulay at magbibigay liwanag sa buong siyudad.” Napagtanto ni Cass na napapalibutan siya ng mga hindi nakikitang mga electromagnetic field mula sa radyo, tv, Wi-Fi, at iba pa.
Nakasaksi naman ang utusan ng propetang si Eliseo ng kamangha-manghang bagay. Minsan, nagising na lang ang utusan na pinalilibutan na siya at ang kanyang among si Eliseo ng mga sundalo ng Aram. Nakita niya ang mga sundalo na nakasakay sa mga kabayo at karwahe na nakapaligid sa lungsod (2 HARI 6:15). Natakot ang utusan. Hindi naman natakot si Eliseo dahil nakita niya na napapalibutan din sila ng hukbo ng mga anghel ng Dios upang tulungan sila. Sinabi ni Eliseo, “Mas marami tayong kasama kaysa sa kanila” (TAL. 16).
Pagkatapos ay nanalangin si Eliseo na buksan ng Dios ang mga mata ng kanyang utusan para makita rin nito ang mga anghel na ipinadala ng Dios upang iligtas sila mula sa kanilang mga kaaway. Nais din ni Eliseo na makita ng kanyang utusan na kontrolado ng Dios ang lahat (TAL. 17)
Natatakot at nawawalan ka rin ba ng pag-asa dahil sa mga pagsubok sa buhay? Tandaan natin na nariyan ang Dios para samahan tayo sa ating mga pakikibaka, “Uutusan ng Dios ang Kanyang mga angel upang ingatan ka saan ka man magpunta” (SALMO 91:11).