Isang nakatutuwang kaugalian ng mga tagahanga ng football sa England ang pag-awit bago magsimula ang bawat laro. Kabilang sa mga inaawit ng mga manonood ang “Glad All Over” at “Forever Blowing Bubbles.” Ang Salmo 23 naman ang kinakanta ng mga tagahanga ng West Brom Baggies. Makikita ring nakasulat ang buong salmong ito sa harapan ng lugar kung saan nag-eensayo ang koponang ito. Layunin nila na maipahayag sa lahat ng manonood ng kanilang laban na may Mabuting Pastol na gumagabay at nangangalaga sa kanila.
Tanyag naman ang pahayag ni David sa Salmo 23, “Ang Panginoon ang aking pastol” (TAL. 1). Sa Bagong Tipan naman ng Biblia ay isinulat ni Mateo, “Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, naawa Siya sa kanila, dahil napakarami ng kanilang mga problema pero wala man lang tumutulong sa kanila. Para silang mga tupang walang pastol” (MATEO 9:36).
Ipinahayag naman ni Jesus sa Juan 10 ang Kanyang pagmamahal at pagmamalasakit sa mga nagtitiwala sa Kanya, “Ako ang mabuting pastol, at ang isang mabuting pastol ay handang mag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga tupa” (TAL. 11). Ipinamalas ni Jesus ang Kanyang pag-ibig at kahabagan sa maraming paraan. Higit sa lahat, inialay Niya ang Kanyang buhay para sa ating mga kasalanan.
“Ang Panginoon ang aking pastol” ay higit pa sa isang bahagi ng kanta o isang kasabihan. Ito ay isang pagpapahayag kung gaano kabuti na nakikilala at minamahal tayo ng ating dakilang Panginoon. Inialay Niya ang Kanyang buhay para sa ating kaligtasan.