Madaling tumubo sa halos lahat na bahagi ng mundo ang sunflower. Lumalaki ang mga ito sa tabingdaan, malapit sa palayan, sa parang, at sa mga halamanan. Pero kahit madali itong tumubo, nangangailangan ito ng matabang lupa. Ayon sa Farmer’s Almanac, kailangan ng sunflower ng mataba at masaganang lupa para magbunga ang mga ito ng maraming buto at maka-kuha mula rito ng purong langis. Magsisilbi itong kabuhayan para sa mga nagtatanim nito.
Tayo rin naman ay nangangailangan ng “mabuting lupa” para maging mabunga ang ating buhay espirituwal (LUCAS 8:15). Ikinuwento ni Jesus ang tungkol sa isang magsasaka na naghahasik ng mga binhi. Maaaring tumubo sa mabato at matalahib na lupa ang salita ng Dios (TAL. 6-7). Gayon pa man, magbubunga lamang ito sa mabuting lupa o sa taong totoong tatanggap nito, “iingatan ito sa kanilang malinis at tapat na puso, at pagsisikapang sundin hanggang sa sila’y mamunga (TAL. 15).
Nangangailangan ng sikat ng araw ang pausbong na sunflower para lumaki. Sinusundan nito ang galaw ng sikat ng araw na tinatawag na heliotropism. Ang matatandang sunflower naman ay humaharap na palagi sa silangan para roon ay mas mamunga.
Tayo rin naman ay lalago sa ating pagkakakilala sa Dios sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya at sa Kanyang salita. Sumunod nawa tayo sa Dios sa bawat araw.