Nang magkaroon ng nobyo si Denise, sinikap niyang magpapayat at magbihis ng magagarang damit. Naniniwala siya na mas magiging maganda siya sa paningin ng kanyang nobyo sa pamamagtitan ng mga ito. Iyon din naman ang payo na nabasa niya mula sa mga magasin. Nagulat na lang si Denise nang malaman niya ang saloobin ng kanyang nobyo: “Mas gusto kita noong medyo malaman ka at hindi nag-aalala sa mga susuotin mo.”
Napagtanto ni Denise na ang opinyon natin sa kagandahan ay naiimpluwensyahan ng ibang tao. Mas nakatingin tayo sa pisikal na anyo. Nakakalimutan natin na mas mahalaga kung ano ang nasa loob ng isang tao. Pero sa paningin ng Dios, tayong lahat ay magaganda at Kanyang minamahal. Noong likhain ng Dios ang mundo, nilikha niyang higit na espesyal ang tao. Nilikha Niya tayo nang ayon sa Kanyang wangis (GENESIS 1:27).
Maganda at espesyal tayo para sa Dios kaya gayon na lamang ang pagkamangha ng sumulat ng salmo kapag ikinukumpara niya tayo sa ibang nilikha ng Dios. Sinabi niya, “Ano ba ang tao upang iyong alalahanin? Sino nga ba siya upang iyong kalingain?” (SALMO 8:4). Binigyan ng Dios ng parangal ang tao nang higit pa sa iba Niyang nilikha (TAL. 5).
Nararapat na purihin natin ang Dios dahil sa katotohanang ito (TAL. 9). Ano man ang tingin sa atin ng ibang tao, o tingin natin sa ating sarili, tandaan natin na espesyal at maganda tayo para sa Dios.