Unang nadiskubre ang Venus flytrap sa isang lugar na hindi kalayuan sa aming tahanan sa North Carolina. Nakakamanghang panoorin ang halamang ito dahil kumakain ito ng mga insekto.
Ang mabangong halimuyak na mula sa halamang ito ay nagsisilbing patibong para maakit ang mga insekto. Kapag may insektong pumasok sa loob nito, magsasara ito at hindi na makakawala ang insekto. Maglalabas ang Venus flytrap ng matapang na kemikal para patayin ang nahuling insekto. Magsisilbing pagkain at nutrisyon ng bulaklak ang namatay na insekto.
May binabanggit naman sa Biblia tungkol sa mga mapanganib na patibong. Sinabi ni Apostol Pablo kay Timoteo, “Ang mga taong naghahangad yumaman ay nahuhulog sa tukso, sa isang bitag ng mapanira at walang kabuluhang mga hangarin na nagdadala sa kanila sa kapahamakan...Ang sobrang paghahangad ng salapi ang nagtulak sa iba na tumalikod sa pananampalataya at nagdulot ng maraming paghihinagpis sa buhay nila” (1 TIMOTEO 6:9-10).
Ang pagkakaroon ng maraming pera at materyal na bagay ay maaaring magdulot ng kaligayahan pero mapanganib kung mas pahahalagahan natin ang mga ito sa ating buhay. Makakaiwas tayo sa panganib kung matututo tayong maging kontento at laging nagpapasalamat sa Dios: “Daig pa ng taong namumuhay nang banal at kontento na sa kalagayan ang mayaman” (TAL. 6). Hindi mapapantayan ng anumang bagay sa mundo ang kaligayahang mula sa Dios. Sa Kanya lamang natin ito matatagpuan.