Nanalo sa unang pagkakataon ang Chicago Cubs sa World Series noong 2016 matapos ang halos higit isang siglo. Tinatayang limang milyong mga tao ang nagtipon at nakiisa sa parada para ipagdiwang ang kanilang tagumpay.
Hindi na bago ang mga parada ng tagumpay. Isa sa kilalang parada ng tagumpay ay ang ginagawa ng mga Romano noon. Sa paradang iyon, naglalakad ang mga nanalong heneral kasama ang kanilang mga bihag. Ipinagmamalaki ng mga sundalo sa maraming tao ang kanilang pagkapanalo sa labanan.
Ganitong uri din naman ng parada ang nasa isip ni Pablo nang sumulat siya sa mga taga-Corinto. Nagpapasalamat siya sa Dios dahil lagi Siyang nasa unahan nila “sa parada ng tagumpay” (2 CORINTO 2:14). Sa paradang ito na inilalarawan ni Pablo, ang mga sumasampalataya kay Cristo ang mga itinuturing na bihag. Pero kahit tayo’y mga bihag, hindi tayo pinipilit kundi taos sa ating puso na makiisa sa parada ng tagumpay na pinangungunahan ni Cristo na nabuhay na muli. Bilang mga mananampalataya, nakikisaya tayo sa Kanyang tagumpay kung saan itatayo Niya ang Kanyang kaharian, at hindi ito malulupig kahit ng kapangyarihan ng kamatayan (MATEO 16:18).
“Parang halimuyak ng pabango” (2 CORINTO 2:14) ang ipinapahayag nating tagumpay ni Cristo sa krus, at ang kalayaang ipinagkakaloob nito sa atin. Saan man tayo magtungo ay dapat maihayag natin ang Magandang Balita ng kaligtasan na kaloob Niya sa atin. Sa pamamagitan ng pagsunod natin kay Cristo, naipapahayag natin ang tagumpay ng muli Niyang pagkabuhay. Ito ang tagumpay na nagkakaloob ng kaligtasan para sa lahat ng tao.