Habang nakahinto ako sa pagmamaneho, muli kong nakita sa tabing-daan ang lalaking nakita ko na noon. May hawak siyang karatula: Kailangan ko ng pera pangkain. Makakatulong kahit magkanong halaga. Ibinaling ko sa iba ang paningin ko at napabuntong hininga. Isa ba akong klase ng tao na hindi pumapansin sa mga nangangailangan?
May ibang tao na nagpapanggap lang na nangangailangan sila. May ilan naman na nangangailangan pero hindi maiwan ang masasamang kinaugalian na nilang gawin. Ayon sa mga social worker, mas mabuti na magbigay ng pera sa mga organisasyon na tumutulong sa mga tunay na nangangailangan. Itinuloy ko na ang aking pagmamaneho. Nakadama ako ng lungkot sa hindi ko pagtulong sa lalaki pero maaaring tama ang desisyon ko na hindi ito tulungan.
Pinapaalalahanan tayo ng Dios na, “pagsabihan [natin] ang mga tamad. Palakasin ang mga mahihina sa pananampalataya nila” (1 TESALONICA 5:14). Dapat tayong maging mapanuri para malaman natin kung sinu-sino ang mga taong ito. Kung pagsasabihan natin ang isang taong mahina ang loob, maaaring tuluyan siyang manghina. Kung tutulungan naman natin ang isang taong tamad, mas lalo nating kinukunsinti ang mali niyang ginagawa.
Kung inuudyukan ka ng Dios na tumulong, kailangan mong maging mapanuri. Huwag mong isipin na alam mo na ang kailangan ng isang tao. Lapitan at kausapin mo siya. Humingi ka ng gabay sa Dios at huwag ka lang tumulong para lang gumaan ang iyong loob. Sikapin nating makagawa ng mabuti sa isa’t isa at maging mapagpasensya sa lahat (TAL. 14-15).