Pauwi na kami ng asawa ko mula sa isang bakasyon. Habang hinihintay namin na maiayos ang bagahe namin sa paliparan, itinuro ko sa asawa ko ang isang lalaki sa hindi kalayuan. Tinanong ako ng aking asawa, “Sino siya?”
Ikinuwento ko sa aking asawa ang iba’t ibang karakter na ginampanan ng sikat na artistang iyon. Pagkatapos ay lumapit ako sa aktor at nagpalitrato kami kasama siya. Makalipas ang halos dalawampu’t apat na taon, masaya ko pa ring ikinukuwento ang karanasan kong makakita ng isang artista.
Isang nakakatuwang karanasan ang makakita ng isang sikat na artista. Pero mas masaya ako na personal kong nakikilala ang isang higit na dakila. Isinulat ni David sa Salmo 24:8, “Sino ang Haring makapangyarihan?” Ang dakilang Dios ang tinutukoy ni David at wala nang iba. Siya ang ating Manlilikha, ang nagpapanatili ng lahat ng bagay, at ang Hari ng lahat. Sinabi pa ni David, “Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pagaari ng Panginoon. Itinayo Niya ang pundasyon ng mundo sa kailaliman ng dagat” (TAL. 1-2). Kahit banal at perpekto ang Dios ay maaari tayong makalapit sa Kanya sa lahat ng oras (TAL. 3-4). Sa ganitong paraan ay mas makikilala natin Siya at mararanasan natin ang Kanyang kapangyarihan at kabutihan (TAL. 8).
Binibigyan tayo ng Dios ng mga pagkakataon para ipahayag sa iba na Siya ang pinakadakila sa lahat. Kapag naisasapamuhay natin ang pag-ibig at kabutihan ni Cristo, marami ang magnanais na magtiwala sa Kanya. Tulad ni David na lubos na namangha sa kadakilaan ng Dios, ipahayag din natin ang Kanyang kadakilaan sa ating kapwa.