Masaya ang anak kong si Owen sa bago niyang laruan. Nalungkot naman siya dahil kahit tatlumpung minuto na niyang binabasa ang mga direksyon, hindi pa rin niya maintindihan kung paano ito laruin. Makalipas ng ilang saglit, dumating ang kaibigan ni Owen. Alam na ng kanyang kaibigan kung paano gamitin ang laruan at ipinakita niya iyon kay Owen. Sa wakas ay masaya nang nakapaglaro ang aking anak.
Habang pinagmamasdan ko silang naglalaro, naisip ko na mas madaling matuto tungkol sa isang bagay kung may taong magtuturo sa iyo. Makakatulong ang pagbabasa ng mga direksyon pero higit na mainam kung may magpapakita sa iyo kung paano ito gawin.
Naunawaan din ito ni Apostol Pablo. Binigyang-diin niya sa kanyang sulat para kay Tito ang kahalagahan ng pagiging mabuting halimbawa (TAL. 7) ng mga matagal nang sumasampalataya kay Jesus sa mga bagong mananampalataya upang mas tumatag ang kanilang pananampalataya. Mahalaga ang pagtuturo nila ng tamang katuruan tungkol sa Dios sa mga bagong mananampalataya pero mas mainam na naipapakita rin nila ito sa kanilang pamumuhay. Idinagdag pa ni Pablo na ang mga nakatatandang lalaki at babae ay dapat maging mapagtimpi, mabuti, at mapagmahal (TITO 2:2-5).
Nagpapasalamat ako sa pagtuturo sa akin ng wastong katuruan. Nagpapasalamat din ako sa mga gumagabay sa akin para mas tumatag ang aking pananampalataya. Dahil sa kanilang halimbawa, nalalaman ko kung paano dapat mamuhay ang isang tagasunod ni Cristo.