Noong 1948, hindi alam ni Haralan Popov ang pagbabagong mangyayari sa kanyang buhay nang may kumatok sa kanyang pinto isang umaga. Bigla na lamang siyang dinakip ng mga pulis at ikinulong dahil sa kanyang pananampalataya sa Dios. Nabilanggo siya sa loob ng labintatlong taon. Habang nakakulong, patuloy siyang nanalangin para sa kalakasan at lakas ng loob. Sa kabila ng masamang pagtrato sa kanya, alam ni Haralan na kasama niya ang Dios. Ipinahayag niya rin ang mabuting balita ng pagliligtas ni Jesus sa mga kapwa niya bilanggo. At dahil doon, marami ang sumampalataya kay Jesus.
Sa Genesis 37, hindi rin alam ni Jose kung ano ang mangyayari sa kanya matapos siyang ipagbili ng mga kapatid niya sa mga mangangalakal. Dinala si Jose ng mga ito at ibinenta naman kay Potifar na isang opisyal na taga-Egipto. Napunta si Jose sa lugar na naniniwala sa mga dios-diosan. Bukod pa roon, inakit din siya ng asawa ni Potifar. Nang ilang ulit na tinanggihan ni Jose ang nais ng asawa ni Potifar, inakusahan niya si Jose ng tangkang panggagahasa. Nabilanggo si Jose dahil doon (39:16-20).
Sa lahat ng iyon ay hindi pinabayaan ng Dios si Jose. Kasama palagi ni Jose ang Dios at “pinagpapala sa lahat ng ginagawa niya.” “At dahil sa kabutihan ng Panginoon, panatag ang loob ng tagapamahala ng bilangguan kay Jose.” (39:3, 21).
Nanatiling tapat si Jose sa kabila ng mga hindi magagandang pangyayari sa kanyang buhay. Hindi siya iniwan ng Dios at may mabuting plano ang Dios para sa kanya. May magandang plano rin ang Dios para sa atin. Nawa’y magtiwala at maging tapat din tayo sa Kanya.