Isa akong makulit na bata noon. Madalas kong itinatago ang mga ginagawa kong mali para hindi ako mapagalitan. Pero palagi pa ring nalalaman ng nanay ko ang mga mali kong ginawa. Lubos akong nagtataka at namamangha rin kung paano nalalaman ng aking nanay ang mga kalokohan ko. Lagi naman niyang sinasabi kapag nagtatanong ako, “May mga mata ako sa likod ng ulo ko.” Simula noon, hinahanap ko na sa likod ng ulo niya ang mga matang iyon.
Pero habang lumalaki ako, sumuko na ako sa paghahanap at naisip ko na hindi lang talaga ako magaling magtago ng mga ginagawa ko. Ang matiyagang pagsubaybay sa akin ng aking nanay ay nagpapatunay naman ng kanyang pagmamalasakit at pagmamahal sa amin.
Nagpapasalamat ako sa masusing pagbabantay at pagaalaga ng nanay ko sa aming magkakapatid. Pero mas higit akong nagpapasalamat sa Dios na nagmamahal at nakikita ang lahat. Sinasabi sa Salmo 33, “Mula sa langit ay minamasdan ng Panginoon ang lahat ng tao” (TAL.13). Alam ng Dios ang lahat ng bagay tungkol sa atin. Matiyaga Siyang nagmamasid at nakikita Niya hindi lamang ang lahat ng ating ginagawa kundi nakikita Niya rin ang ating mga kalungkutan, kasiyahan, at ang pagmamahal natin sa bawat isa
Nakikita ng Dios ang tunay nating pagkatao at alam Niya lagi kung ano ang eksaktong kailangan natin. Palagi Siyang nakabantay sa mga nagtitiwala sa Kanya (TAL. 18). Siya ang ating mapagmahal na Ama na sumusubaysay sa atin.