Ano ang kahulugan ng pagiging totoo? Ito ang importanteng tanong na masasagot sa librong pambata na The Velveteen Rabbit. Ang kuwentong ito ay tungkol sa mga laruan sa isang lugar kung saan inaalagaan ang mga bata.
Ang laruang kuneho sa kuwento ay magiging isang tunay na kuneho sa oras na may batang magmamahal sa kanya. Kabilang sa mga tauhan ng kuwento si Skin Horse. Matanda na ito at puno ng karunungan. Ayon sa kanya, “marami na akong nakitang mga laruang nagmayabang at nagpakitang-gilas para sila ay mahalin...pero lahat sila ay nasira at lumipas na lang.” Sinikap ng mga laruan na magkunwari at magmukhang kahanga-hanga pero hindi ito nakatulong para mahalin sila.
Hindi maganda ang magmalaki at magmayabang. Sa Biblia ay isinulat ni Jeremias ang tatlong bagay kung saan maaaring magmalaki ang isang tao: sa “karunungan...kalakasan...kayamanan” (JEREMIAS 9:23). Dahil matanda na rin si Propeta Jeremias at marami nang alam sa buhay, isinulat niya ang katotohanang ito mula sa Dios, “Kung gusto ng sinuman na magmalaki, dapat lang niyang ipagmalaki na kilala niya Ako at nauunawaan niyang Ako ang Panginoong mapagmahal na gumawa ng tama at matuwid dito sa mundo” (TAL. 24).
Bilang mga anak ng Dios, nawa’y maipagmalaki natin Siya, ang ating mabuting Ama. Mas magiging totoo tayo sa ating sarili na wala tayong maipagmamalaki kung mas mauunawaan natin kung gaano kadakila ng Dios at ng Kanyang pagmamahal.