Nang bawian ng buhay ang kaibigan kong si Bobby, namulat ako sa reyalidad ng kamatayan at kung gaano kaikli ng buhay ng tao. Dalawampu’t apat na taong gulang lamang noon si Bobby nang maaksidente at mamatay. Nagmula si Bobby sa isang magulong pamilya at sinusubukan niyang mamuhay nang maayos. Bagong mananampalataya pa lamang kay Jesus si Bobby pero bakit kailangan na niyang mamatay agad?
Minsan, parang napakaiksi at puno ng kapighatian ang buhay natin. Si David din naman ay nakaranas ng mga paghihirap. Sinabi niya sa Salmo 39, “Panginoon, paalalahanan N’yo ako na may katapusan at bilang na ang aking mga araw, na ang buhay ko sa mundo’y pansamantala lamang. Paalalahanan N’yo akong sa mundo ay lilisan. Kay ikli ng buhay na ibinigay N’yo sa akin. Katumbas lang ng isang saglit para sa Inyo. Ito’y parang hangin lamang na dumadaan” (TAL. 4-5).
Tunay na maikli lang ang buhay. Kahit mabuhay pa tayo ng isang daang taon, maikli lamang ito kumpara sa walang hanggan.
Tulad ni David, masabi rin nawa natin sa Dios na, “Kayo lang ang tanging pag-asa ko” (TAL. 7). Kapag inilaan natin ang ating buhay sa Dios, magkakaroon ito ng kabuluhan. Tayong mga sumasampalataya kay Jesus ay may pag-asa kahit mamatay tayo at “kahit na unti-unting humihina ang [ating] katawan, patuloy namang lumalakas ang [ating] espiritu.” Hindi tayo pinanghihinaan ng loob dahil natitiyak natin na isang araw ay makakasama natin ang Dios sa walang hanggan (2 CORINTO 4:16-5:1). Nalalaman natin ito dahil “ibinigay Niya sa atin ang Kanyang Banal na Espiritu” (5:5)!