Sa librong Look & See: A portrait of Wendell Berry, tinalakay ng manunulat na si Berry ang tungkol sa paghihiwalay. Ayon sa kanya, karaniwang tema na ng mundo ang paghihiwalay. Magkakahiwalay tayo sa bawat isa. Ang mga bagay na dapat buo at iisa ay nasisira at naghihiwalay. Nang tanungin si Berry kung ano ang dapat gawin tungkol dito, sinabi niya na, “Kaya nating buuin ang mga bagay. Kailangan lamang nating kunin ang dalawang bagay at pagsamahin ito.”
Sinabi naman ni Jesus sa Mateo 5:9, “Mapalad ang mga taong nagtataguyod ng kapayapaan.” Magdudulot ng tinatawag na shalom ang pagtataguyod ng kapayapaan. Ang ibig sabihin ng salitang shalom ay pagsasaayos ng mga nasira para muli itong mabuo. Ayon sa isang tagapangaral ng salita ng Dios, ang shalom ay pangkalahatang kaayusan at nagbibigay ng kasiyahan...Ito ang dapat kalagyan ng lahat ng bagay.
Sa tulong at gabay ni Jesus, nawa’y pagsikapan natin na maging instrumento tayo ng kapayapaan at kaayusan. Ninanais Niya na maging tagapagtaguyod tayo ng kapayapaan, para magsilbing asin at ilaw sa mundo (13-14).
Maraming paraan para maging tagapagtaguyod tayo ng kapayapaan. Sa tulong ng Dios, huwag nating hayaan na may mga masisirang samahan at huwag din nating hayaan na may mga tao na pipiliin na lamang na mag-isa. Magtiwala tayo sa Dios at humingi ng karunungan sa Kanya para malaman natin kung sino ang maaari nating pagkasunduin. Sa gayon, muling mabubuo at maaayos ang kanilang nasirang pagsasamahan.