Minsan, inutusan ng tagapangasiwa ng isang kompanya sa Brasil ang kanyang mga tauhan tungkol sa kanilang trabaho. Nang hingin niya ang kopya ng ulat ng kanyang mga tauhan, hindi kumpleto ang natanggap niya.
Inalam ng tagapangasiwa kung bakit hindi nila ito nakumpleto at natuklasan niya na karamihan sa kanila ay hindi marunong magbasa. Maaari niyang tanggalin ang mga ito sa kanilang trabaho pero gumawa siya ng paraan para matulungan silang matutong magbasa. Pagkalipas ng limang buwan, marunong na silang bumasa.
Madalas na ginagamit ng Dios ang mga kahinaan natin bilang pagkakataon para hasain niya tayo at patuloy na makapaglingkod sa Kanya. Marami ring kahinaan at pagkakamali si Apostol Pedro. Humina ang kanyang pananampalataya nang palakarin siya ni Jesus sa tubig. Hindi niya alam kung dapat magbayad si Jesus ng buwis para sa templo (MATEO 17:24-27). Hindi rin siya naniwala sa pahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay (16:21- 23). Sa bawat pagkakataong iyon, itinuturo ni Jesus kay Pedro kung sino Siya, ang ipinangakong Tagapagligtas (TAL. 16). Ang mga natutunan ni Pedro ang tumulong sa kanya sa pagsisimula ng unang iglesya (TAL. 18).
Kung pinanghihinaan tayo ng loob dahil sa ating mga pagkabigo, tandaan natin na maaari itong gamitin ng Dios para turuan at pangunahan tayo sa ating paglilingkod sa Kanya. Maaari din tayong gamitin ng Dios para maging instrumento ng Kanyang kaluwalhatian.