Kung tayo ay nabuhay sa panahon ni William Carey (1761- 1834), masasabi natin na hindi siya magiging matagumpay sa buhay. Pero ngayon, kinikilala si Carey bilang ama ng makabagong pagmimisyon. Mga manghahabi noon ang kanyang mga magulang. Hindi rin siya naging matagumpay na guro at sapatero pero nagsariling sikap siya sa pag-aaral ng wikang Griyego, Hebreo at Latin. Paglipas ng maraming taon, napagtanto niya na nais niyang maging misyonero sa India. Habang nagmimisyon, nakaranas siya ng mga pagsubok. Namatay ang kanyang anak at nagkasakit ang kanyang asawa. Maraming taon ding hindi siya nakakita ng pagtugon mula sa mga taong pinagmimisyunan niya.
Paano nagpatuloy si Carey sa paglilingkod sa Dios at sa pagsasalin ng Biblia sa iba’t ibang wika sa kabila ng mga pagsubok na ito? Ang kanyang katapatan sa paglilingkod sa Dios at katiyagaan ang nagpanatili sa kanya.
Binibigyang-diin din ng sumulat ng aklat ng Hebreo ang pagiging tapat kay Cristo. Pinaalalahanan niya ang mga mambabasa na huwag maging tamad at maging masigasig sa kanilang pag-asa sa Dios hanggang sa wakas. Sinabi rin niya na hindi makakalimutan ng Dios ang mabubuti nilang gawa at pag-ibig na ipinakita nila sa Kanya (6:10-12).
Sa mga huling taon ng buhay ni Carey, inalala niya ang katapatan ng Dios. Sinabi niya, “Hindi nabibigo ang Dios sa pagtupad sa Kanyang mga pangako kaya hindi ko rin Siya dapat biguin sa aking paglilingkod sa Kanya.” Pagkalooban din nawa tayo ng Dios ng lakas para maglingkod sa Kanya.