Maituturing na kalunos-lunos na trahedya ang malulong sa heroin. Kapag nalulong ang isang tao sa drogang ito, hindi na siya hihinto at gugustuhin na mas damihan pa ang paggamit kahit maaari na niya itong ikamatay. Hindi alintana ng mga lulong sa heroin kahit mabalitaan pa nila na may namatay dahil dito. Mas nakatuon sila sa kung saan sila makakuha ng bawal na gamot na ito.
May kinalaman dito ang isinulat na libro ni C. S. Lewis na pinamagatang, Screwtape Letters. Tinalakay naman niya rito ang paliwanag ng diyablo tungkol sa tukso. Sa simula ay tila maganda at masaya ang dulot sa atin ng isang bagay. Hanggang natutukso na tayo na maghangad nang mas higit pa. Magbubunga ito ng pagkalulong sa masasamang mga bagay.
Binanggit naman sa Kawikaan 7 ang masamang bunga ng pagkahulog sa tukso ng laman. Ang pagtatalik ay inilaan lamang ng Dios para sa mag-asawa. Kapag ang isang tao ay nahulog sa tukso ng laman, siya ay “parang bakang hinihila papunta sa katayan” (TAL. 22). Maraming mga tao ang napapahamak dahil sa kanilang mga maling pagnanasa. Pinapaalalahanan tayo ng Dios na makinig nang mabuti sa Kanyang sinasabi at huwag paakit sa mga maling gawa (TAL. 24-25).
Ang kasalanan ay nakakasilaw at maaari tayong malulong rito pero kapahamakan ang palaging hahantungan nito (TAL. 27). Humingi tayo ng tulong sa Dios na mapagtagumpayan ang mga tukso. Siya lamang ang makapagbibigay sa atin ng tunay na kasiyahan.