Masasakit na salita ang laging sinasabi ng isang babae sa kanyang mga magulang noong bata pa siya. Hindi niya inakala na iyon na pala ang huling pagkakataon na makakausap niya sila. Hanggang ngayon, hindi pa rin niya mapatawad ang kanyang sarili. Nagsisisi pa rin siya sa pagkakamaling iyon.
Lahat tayo ay may mga pagkakamaling pinagsisisihan. Pero sinasabi sa Biblia kung paano tayo patatawarin ng Dios. Narito ang isang halimbawa.
Hindi maitatago ang pagkakasalang nagawa ni Haring David. Nang makipaglaban ang hukbo ni David sa digmaan, hindi siya sumama at nagpaiwan lang sa Jerusalem (2 SAMUEL 11:1). Habang wala siya sa labanan, nangalunya siya at pinapatay ang asawa ni Batsheba (T. 2-5,14-15). Humingi ng tawad si David sa Dios at pinatawad siya (12:1-13). Gayon pa man, habambuhay niyang pinagsisihan ang nagawa niyang mga kasalanan.
Habang umaahon si David mula sa kanyang pagkakasala, si Joab ang namumuno sa labanan sa halip na siya. Sinabi ni Joab kay David na tapusin na niya ang pagsakop sa lungsod upang siya ang maparangalan (TAL. 28). Sa wakas, nakabalik si David bilang pinuno ng kanyang bansa at hukbo (T. 29).
Kung hahayaan nating malugmok tayo sa mga pagkakamaling nagawa natin, tila sinasabi natin na hindi sapat ang biyaya sa atin ng Dios. Handa tayong patawarin ng Dios sa ating mga kasalanan. Gaya ni David, makikita natin ang kagandahang-loob ng Dios at makakapagpatuloy tayo sa ating buhay.