Isang sikat na tagapagturo ng Biblia si Billy Graham. Ang kanyang mga magulang ay mga tapat na nagtitiwala kay Jesus. Tinuruan nila ang kanilang mga anak na manalangin, magbasa ng Biblia at magsimba palagi. Ang mga itinuro ng mga magulang ni Billy Graham ay naging magandang pundasyon upang magtiwala rin siya sa Dios at maging isang mahusay na tagapagturo ng Biblia.

Nakinabang din naman si Timoteo sa mga itinuro sa kanya ni Apostol Pablo. Sinabi sa kanya ni Pablo na ang kanyang tapat na pananampalataya ay nagmula sa kanyang Lola na si Luisa at ina na si Eunice (2 TIMOTEO 1:5). Ang mga itinuro ng lola at ina ni Timoteo ang nakatulong sa kanya upang magtiwala rin siya kay Jesus.

Hinikayat naman ni Pablo si Timoteo na ipagpatuloy ang kanyang tapat na pananampalataya at maging masigasig sa paggamit ng kakayahang ipinagkaloob sa kanya ng Dios (TAL. 6-7). Tutulungan siya ng Banal na Espiritu upang matapang na maipangaral ang Salita ng Dios (TAL. 8).

Ang ating mabuting halimbawa at pagtuturo sa iba ay makakatulong din naman upang maging tapat din silang lingkod ng Dios. Bilang mga nagtititiwala kay Jesus, gagabayan tayo ng Banal na Espiritu sa ating pamumuhay, sa ating paglilingkod sa Dios at sa ating pagtulong sa iba na magtiwala rin sa Panginoong Jesus. Gagabayan Niya rin tayo na tulungan ang iba upang mas tumibay ang kanilang pananampalataya kay Jesus.