Sa larong skiing, malaki ang naitutulong ng mga asul na guhit na nakapinta sa mga daan kung saan sila magkakarera. Hindi biro ang magpadausdos sa snow at ang mga asul na guhit ang nagsisilbing gabay ng mga kasali sa karera kung saan sila dapat dumaan. Nakakatulong din ang mga ito upang maiwasan ang disgrasya.
Sa Kawikaan 4, mababasa natin ang pagsusumamo ni Solomon sa kanyang anak na hangarin nito na magkaroon ng karunungan para maging gabay naman niya sa karera ng buhay. Gaya ng guhit na asul sa karerahan, ang karunungan ang magtuturo “kung paano mamuhay sa katuwiran” at magliligtas sa kanya “sa anumang kapahamakan” (TAL. 11-12).
Nais ni Solomon na maranasan ng kanyang anak ang kagandahan ng buhay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng karunungang mula sa Dios.
Bilang ating mapagmahal na Ama, binibigyan tayo ng Dios ng gabay sa pamamagitan ng Biblia. Kahit na pinagkakalooban Niya tayo ng kalayaan na gawin kung ano ang gusto natin, ang karunungang nasa Kanyang mga Salita ay tulad ng mga asul na guhit, “sapagkat magbibigay ito ng malusog na katawan at mahabang buhay sa sinumang makakasumpong nito” (TAL. 22). Kapag tumalikod tayo sa kasamaan at lumakad kasama Niya, gagabayan Niya tayo ng Kanyang katuwiran at tutulungan tayo para hindi mapahamak (TAL. 12, 18).