Mahilig manood ng basketball ang aking boss. Nang manalo ang paborito niyang koponan bilang champion, binati siya sa text ng aming katrabaho. Dahil hindi napanood ng boss ko ang larong iyon, medyo nainis siya. Nawala ang pananabik niya sa panonood ng replay ng larong iyon dahil alam na niya kung sino ang mananalo. Gayon pa man, nawala naman ang kaba niya habang pina-panood ang laro. Alam na kasi niya na mananalo ang kanyang koponan kahit pa nagiging dikit ang puntos ng magkalaban.

Hindi natin kailanman malalaman kung ano ang mangyayari sa kinabukasan. May mga araw na para bang walang kabuluhan at nakakapagod. Mayroon din namang mga araw na punong-puno ng saya.

Kahit na hindi natin mahuhulaan ang mangyayari sa ating mga buhay, maaari pa rin tayong makasumpong ng kapayapaan mula sa Dios. Dahil gaya ng aking boss, alam na rin naman natin kung sino ang mananalo sa huli.

Isang kamangha-manghang pagtatapos ang mababasa sa huling aklat ng Biblia. Pagkatapos na magapi ang kasamaan at kamatayan (PAHAYAG 20:10,14), inilalarawan ni Juan ang isang napakagandang eksena ng pagkapanalo kung saan ang Dios ay nananahan na kasama ng mga tao (21:1-3). Papahirin Niya “ang mga luha sa kanilang mga mata” at mawawala na ang “kamatayan, kalungkutan, iyakan o sakit” (TAL 4).

Sa mahihirap na sitwasyon, maaari tayong manangan sa ipinangako ng Dios sa hinaharap na wala ng sakit, paghihirap o kalungkutan. Makakasama na rin natin sa pagkakataong iyon ang ating Tagapagligtas sa walang hanggan. Tunay na nararapat na ipagdiwang ang araw na iyon!