Noong 1957, isa si Melba Patillo Beals sa siyam na napiling estudyanteng African American na pinayagang makapasok sa paaralang inilaan lamang para sa mga puting Amerikano. Sa kanyang talambuhay na inilathala noong 2018 na pinamagatang, I Will Not Fear; My Story of a Lifetime of Building Faith under Fire, inilahad niya kung paanong sa murang edad ay natutunan niyang harapin nang may katapangan ang mga pang-aapi at kawalan ng katarungan na kanyang naranasan.
Ibinahagi rin ni Beals sa kanyang talambuhay ang tungkol sa kanyang matibay na pananampalataya sa Dios. Noong mga panahong nakakaranas daw siya ng matinding paghihirap at napupuno siya ng takot, paulit-ulit niyang binibigkas ang mga talata mula sa Biblia na itinuro ng kanyang lola. Dahil dito, nadarama niya na kasama niya ang Dios. Ang Salita ng Dios ang nagbigay sa kanya ng lakas ng loob at katatagan sa gitna ng mga pagsubok.
Ang Salmo 23 ang madalas na sambitin ni Beals na nagpapanatag sa kanyang kalooban, “Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot dahil Kayo ay aking kasama” (TAL 4). Malimit din niyang maalala ang sinabi ng kanyang lola na napakalapit lamang ng Dios at ano mang oras ay maaari niyang hingan ng tulong.
Maaaring ang karanasan natin ay iba kay Beals, pero siguradong dumaranas din tayo ng mga mabibigat na pagsubok sa buhay na nagdudulot sa atin ng takot. Sa mga panahong iyon, nawa’y alalahanin din natin ang katotohanang lagi nating kasama ang Dios.