May isang lalaki na nag-aaral sa isang seminaryo na masyadong bilib sa kanyang sarili. Minsan, mahusay ang ginawa niyang pangangaral at lubos siyang nasiyahan sa ginawa niya. Sinabi naman sa kanya ng kanyang guro sa seminaryo, “Napakahusay ng pangangaral mo pero ang tanging problema ay hindi ang Dios ang naging paksa mo. Hindi Siya ang naging sentro ng iyong mensahe.”
Ganito rin marahil ang nagiging problema sa atin. Tulad ng estudyante, ang sarili natin ang ginagawa nating bida sa halip na si Jesus. Madalas, ipinapahayag natin na ang Dios ang nangunguna sa ating buhay pero ang ating mga kilos ay nagpapakita na mas umaasa tayo sa ating mga sariling kakayanan. Ang Dios lamang ang dapat na maitaas at manguna sa ating buhay.
Sinasabi sa Biblia na ang Dios ang tunay na sentro o paksa ng ating buhay. Lahat ng ating mga gawain patungkol sa ating pananampalataya ay nagagawa natin sa pangalan at kapangyarihan ng Panginoon (SALMO 118:10-11). Siya ang nagliligtas sa atin at Siya ang nagkakaloob ng mga panga-ngailangan natin. Tunay na “ang Panginoon ang may gawa nito.” (TAL. 23).
Kaya nga mga kapatid, hindi tayo dapat mag-alala o ihambing ang sarili sa iba. Ang Panginoon ang bida at dapat na manguna sa ating buhay. Magtiwala lamang tayo sa Dios at sumunod sa Kanya.