Tahimik ang lahat habang pinapanood nila ang pagdaloy ng lava at pagsira nito sa mga nadadaanang mga puno at halaman. Magkahalong pagkagulat at pagkamangha ang nasa mukha ng mga tao. Tinatawag nilang paraiso ang lugar na ito sa Puna, Hawaii pero ipinaalala sa kanila ng mga nagbabagang lava na nilusaw ng Dios ang islang ito sa pamamagitan ng pagputok ng bulkan.

Naranasan din ng mga Israelita ang ganoong nakakatakot na kapangyarihan ng Dios. Nang mabawi ni Haring David ang Kahon ng Dios (2 SAMUEL 6:1-4), nagdiwang sila (TAL. 5) hanggang sa may biglang namatay na isang lalaki dahil hinawakan nito ang kahon para hindi ito matumba (TAL. 6-7).

Maaaring mapaisip tayo kung bakit hindi natin lubusang maunawaan ang Dios. Ang Dios na lumikha ng lahat ay kayang wasakin din ang mga ito. Alalahanin natin na may mga batas na sinabi ang Dios tungkol sa mga bagay na banal (TINGNAN ANG BILANG 4). Maaaring lumapit ang mga Israelita sa Dios pero dapat nilang gawin ito nang may pagiingat dahil ang Dios ay makapangyarihan.

Nakasulat sa Hebreo 12 ang tungkol sa isang bundok na nagliliyab kung saan ibinigay ng Dios kay Moises ang sampung utos. Natakot ang lahat sa pangyayaring ito (T.18- 21). May kaibahan naman ito sa sinasabi sa mga talatang 22-24, “Lumapit kayo kay Jesus na siyang Tagapamagitan natin sa Dios sa bagong kasunduan. Ang Anak ng Dios na si Jesus ang naging daan para makalapit tayo sa mapagmahal na Dios Ama.