Hindi ko maisip kung paano ang “tamang” paraan ng pananalangin sa Dios nang magkasakit na kanser ang asawa kong si Dan. Hanggang isang umagang nananalangin kami, nadinig ko si Dan na buongpusong dumulog sa Dios, “Panginoon, pagalingin Mo po ako sa sakit ko.”

Simple pero taos sa puso ang panalangin niya. Nagpaalala ito sa akin na maari tayong manalangin sa Dios kahit hindi mahaba o mabulaklak ang ating panalangin. Nadidinig ng Dios ang mga paglapit natin sa Kanya. Sinabi ni David, “Dinggin N’yo ako Panginoon at ako’y palayain. Iligtas N’yo ako sa kamatayan alang-alang sa pag-ibig N’yo sa akin” (SALMO 6:4).

Ito ang ipinahayag ni David nang makaranas siya ng matinding kalungkutan. Hindi sinabi sa Salmo kung ano ang eksaktong kalagayan niya pero nagpapakita ng lubos na paghingi ng tulong sa Dios ang mga panalangin niya. Sinabi niya, “Ako’y pagod na sa sobrang pagdaing” (TAL. 6).

Hindi hinayaan ni David na maging hadlang ang kalagayan niya para hindi manalangin sa Panginoon. Bago pa man tumugon ang Dios, nagpasalamat na agad siya, “Narinig ng Panginoon ang aking pag-iyak. Narinig Niya ang paghingi ko ng tulong, at sasagutin Niya ang aking dalangin” (MGA TAL. 8-9).

Kahit ano pa man ang dinaranas natin, laging nariyan ang Dios para pakinggan tayo. Lagi Siyang nakikinig sa mga dalangin natin lalo na sa mga panahong kailangan natin ang pagtulong Niya.