Simula 2004, nakatulong ang City Blossoms sa paglikha ng mga hardin sa mga paaralan at mahihirap na komunidad. Si Rebecca Lemos-Otero ang nagtatag ng organisasyong ito. Hinikayat niya ang mga bata na maghagis ng buto ng prutas kahit saan sa hardin at makikita na lang nila na tutubo ang ilan sa mga ito. Hindi man ito ang tamang paraan ng pagtatanim, ipinapakita nito na may kakayahang tumubo at lumago ang bawat buto at binhi. Ayon pa kay Rebecca, isang makabuluhang gawain para sa mga bata ang pag-aalaga ng magaganda at luntiang hardin sa lungsod.
Sa Biblia naman, may ikinuwento si Jesus tungkol sa paghahasik ng binhi. Sinabi Niya na may kakayahan ang binhi na mamunga ng napakarami (LUCAS 8:8). Ang binhing iyon ay ang Magandang Balita at ang mabuting lupa naman kung saan ito itinanim ay ang “mga taong nakikinig sa salita ng Dios, at iniingatan ito sa kanilang malinis at tapat na puso, at pinagsisikapang sundin hanggang sa sila'y mamunga” (TAL. 15).
Patuloy naman mamumunga ang ating buhay espirituwal sa pamamagitan ng pananatili at paglapit natin sa Dios (JUAN 15:4). Magbubunga ito ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabutihan, kagandahang-loob, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili sa patuloy nating pagsunod kay Cristo (GALACIA 5:22-23).
Magsisilbing pagpapala sa iba ang mabunga at malago nating buhay. Mahihikayat silang lumapit at mas makilala si Jesus sa buhay nila. Tunay na isang napakagandang buhay ang buhay na nakatuon sa Dios.