Minsan, nakatanggap ako ng text mula sa aking kaibigan. Kalakip ng mensahe niya ang isang larawan kung saan nakasulat ang mga taon at kanyang idinadalangin para sa akin. Dalangin niya, “Lagi mong ipasakop sa Dios ang iyong mga iniisip at sinasabi.” Sinabi pa niya na lagi noong sumasagi sa isipan niya na idalangin ako at hindi niya alam kung bakit.
Kaya naman, nagtext ako sa kanya at tinanong ko siya kung anong mga buwan niya isinulat iyon. Sumagot siya na mga bandang Hulyo iyon.
Nagulat ako sa sinabi niya. Iyon kasi ang mga buwan na marami akong ipinag-aalala. Papunta kasi ako ng ibang bansa para mag-aral. Nag-aalala ako sa bagong kultura at wika na aking haharapin. At sa panibagong pagsubok sa aking pananampalataya habang nasa bansang iyon. Kaya naman, malaki ang pasasalamat ko sa aking kaibigan sa kanyang pananalangin para sa akin.
Ipinaalala sa akin sa ginawang iyon ng aking kaibigan ang kahalagahan ng pananalangin. Naalala ko rin ang sinabi ni Apostol Pablo kay Timoteo. Sinabi ni Pablo, “Una sa lahat, ipinapakiusap kong ipanalangin n’yo ang lahat ng tao. Ipaabot ninyo sa Dios ang kahilingan n’yo para sa kanila nang may pasasalamat” (1 TIMOTEO 2:1). Ipinapahiwatig ng salitang “una sa lahat” ang kahalagahan ng pananalangin. Sinabi ito ni Pablo dahil nais ng Dios na “maligtas ang lahat ng tao at malaman ang katotohanan” tungkol kay Jesus (TAL. 4).
Hindi man natin alam ang kalagayan ng taong sumagi sa ating isipan, pero nalalaman ito ng Dios. Kumikilos ang Dios upang tulungan at mapalapit ang mga taong ipinagdarasal natin sa Kanya.