Makalipas ang ilang taong tagtuyot, iniisip ng mga taga California na ang sunog na nangyayari sa kanilang kagubatan ay gawa ng Dios. Tinawag pa nga nilang Banal na Apoy ang sumusunog sa kanilang lugar. Pero hindi alam ng marami na hango lamang ang tawag na iyon sa lugar ng Holy Jim Canyon. Sino nga ba si Holy Jim? Siya si Jim Smith. Ayon sa mga tagaroon, masungit at hindi naniniwala sa Dios si Jim. Kaya, nakakatuwang-isipin na Holy Jim ang tawag sa kanya.
May sinabi naman si Juan na nagbabautismo tungkol sa bautismo ng Banal na Espiritu at ng apoy (LUCAS 3:16). Iniisip noon ng marami na si Juan na ang Haring Hinirang o Mesiyas na kanilang hinihintay at ang inihula ni Propeta Malakias na parang apoy na nagpapadalisay ng bakal (MALAKIAS 3:1-3; 4:1). Pero saka na lamang nalaman ng mga tagasunod ni Jesus ang sinabi ni Malakias at Juan na nagbabautismo noong makita nila ang Banal na Espiritu na nasa anyo ng nagniningas na apoy (GAWA 2:1-4).
Nakakamangha naman ang gawa ng Dios kung paanong dumating ang Banal na Apoy o ang Dios Espiritu. Inilalantad at tinutupok ng Espiritu ni Jesus ang walang kabuluhang pagsisikap ng mga tao na iligtas ang kanyang sarili. Sa halip, sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jesus, nananahan sa atin ang Banal na Espiritu.
Kaya naman, magtataglay tayo ng bunga ng Espiritu tulad ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kabutihan, kabaitan, katapatan, kahinahunan at pagpipigil sa sarili (TINGNAN ANG GALACIA 5:22-23). Iyon ang tunay na kamangha-manghang gawa ng Dios na nais Niyang isapamuhay natin.