Pangarap ko noon na maikasal sa aking high school boyfriend—hanggang sa naghiwalay kami. Lumabo ang kinabukasan at namroblema ako kung ano ang gagawin sa buhay ko. Sa huli, naramdaman kong tinatawag ako ng Dios sa paglilingkod sa Kanya sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba, kaya nag-aral ako sa seminaryo. Pagkatapos, para akong sinampal ng katotohanan na lalayo na ako sa kinalakihan ko, sa mga kaibigan, at pamilya. Para tumugon sa tawag ng Dios, kailangan ko itong iwan.

Naglalakad si Jesus sa tabi ng Dagat ng Galileo nang makita Niya si Pedro at ang kapatid nitong si Andres, naghahagis ng lambat sa dagat, nanghuhuli ng isda para mabuhay. Inimbitahan Niya sila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao” (MATEO 19:21). Tapos nakita ni Jesus ang dalawa pang mangingisda, si Santiago at ang kapatid nitong si Juan, at tinawag niya rin ang mga ito (LUCAS 5:11).

Noong sumama kay Jesus ang mga disipulong ito, may mga iniwan din sila; sina Pedro at Andres ay “iniwan… ang kanilang mga lambat” (T. 20). Sina Santiago at Juan naman, “iniwan… ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod sa kanya” (T. 21). Sabi ni Lucas: “Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.” (LUCAS 5:11).

Bawat pagsama kay Jesus ay may kasama ring pag-iwan sa ibang bagay. Lambat. Bangka. Ama. Mga kaibigan. Tahanan. Tinatawag tayo ng Dios para sa isang pakikipagrelasyon sa Kanya. Tinatawag Niya din tayo para maglingkod.