“Wala ka na dapat dito ngayon. Buti na lang may nagbabantay sayo mula sa itaas,” sabi ng tow truck driver sa nanay ko pagkatapos hilahin ang kotse ng nanay ko na nasiraan sa tabi ng matarik na bangin. Pinagbubuntis ako ni Mama noon. Habang lumalaki ako, madalas niyang ikuwento kung paano kami iniligtas ng Dios noong araw na iyon, at sinigurado niya sa akin na pinahahalagahan na ako ng Dios kahit noong hindi pa ako ipinapanganak.

Walang sinuman ang makakatakas sa atensyon ng Dios na nakakaalam ng lahat ng bagay. “Bago kita nilalang sa tiyan ng iyong ina, kilala na kita” (JEREMIAS 1:5). Lubos na kilala tayo ng Dios nang personal kaysa sa kahit sinong tao at mas kaya Niyang bigyan ng layunin at kahulugan ang buhay natin kaysa sa iba. Hindi Niya lang tayo binuo gamit ang talino Niya at kapangyarihan, sinusuportahan Niya rin ang bawat sandali ng ating pamumuhay— kabilang ang mga personal na detalye na nangyayari sa bawat sandali nang hindi natin nalalaman: mula sa pagtibok ng ating puso hanggang sa masalimuot na paggana ng mga utak natin.

Noong naisip ni David kung paanong hawak ng ating Ama sa langit ang lahat ng aspeto ng ating buhay, nasabi niya, “O Dios, hindi ko lubos maintindihan ang mga iniisip n’yo; ito’y tunay na napakarami!” (SALMO 139:17).

Ang Dios ay mas malapit sa atin kaysa sa huling hininga natin. Ginawa Niya tayo, kilala Niya tayong lubusan, at mahal Niya tayo. Karapat-dapat Siya sa ating pagsamba at papuri.