“Pakiramdam ko, para akong nakuryente,” sabi ni Professor Holly Ordway, noong pinapaliwanag niya ang reaksyon niya sa napakagandang tula ni John Donne, ang “Holy Sonnet 14.” “May kung anong nangyayari sa tulang ito,” naisip niya. “Hindi ko alam kung ano iyon.” Naalala pa ni Ordway, iyon ang sandali na tumanggap ng mga kaisipang supernatural ang pananaw niya sa mundo na dati ay di naniniwala sa Dios. Hindi nagtagal, sumampalataya siya sa katotohanan tungkol sa Kristo na nabuhay muli.

Parang nakuryente—iyon din siguro ang naramdaman nina Pedro, Santiago, at Juan noong isinama sila ni Jesus sa bundok at nasaksihan nila ang nakakamanghang pagbabagong-anyo Niya. Naging “puting-puti at nakakasilaw” (MARCOS 9:3) iyong damit ni Kristo at nagpakita rin sina Elias at Moises—isang pangyayari na kilala natin ngayon bilang transpigurasyon.

Pagbaba sa bundok, sinabi ni Jesus sa mga disipulo na huwag ipagsabi sa iba ang nakita nila hangga’t hindi pa Siya nabubuhay ulit (T. 9). Pero hindi nila alam kung ano ang ibig Niyang sabihin sa “muling pagkabuhay” (T. 10).

Nakakalungkot ang ‘di sapat na pang-unawa ng mga disipulo tungkol kay Jesus, dahil sa hindi nila lubusang maisip ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus. Ngunit sa huli, ang mga karanasan nila kasama ang nabuhay na Panginoon ang lubos na nagpabago ng kanilang mga buhay. Sa padulo ng buhay ni Pedro, inilarawan niya ang naranasan niya ukol sa transpigurasyon ni Kristo bilang iyong panahon na “nasaksihan namin mismo ang kadakilaan niya” (2 PEDRO 1:16).

Mula kina Professor Ordway at mga disipulo, kapag naraasan natin ang kapangyarihan ni Jesus, para din tayong “nakuryente.” May kung anong nangyayari. Sinisenyasan tayo ng Cristong buhay.