Isang bagong sumasampalataya kay Cristo ang lubos na nagnanais na makapagbasa ng Biblia. Mahirap ito para sa kanya dahil nawalan siya ng paningin at naputol din ang dalawang kamay sa isang pagsabog. Sinubukan niyang magbasa ng Braille na ginagamit ng mga bulag para makabasa. Sinikap niyang magbasa gamit ang kanyang labi pero naapektuhan din pala ito ng pagsabog. Kalaunan, nalaman niya na kaya niyang makapagbasa ng Braille gamit ang kanyang dila. Labis niyang ikinagalak na mababasa na niya ang Biblia!
Lubos din ang kagalakang nadama ni Propeta Jeremias nang marinig ang mga Salita ng Dios. Sinabi niya, “Noong nagsalita Kayo sa akin, pinakinggan ko po Kayo. Ang mga salita po Ninyo ay kagalakan ko” (JEREMIAS 15:16). Naging masunurin din si Jeremias, hindi tulad ng mga Israelita na itinakwil ang Salita ng Dios (8:9). Gayon pa man, ang pagsunod ni Jeremias sa sinasabi ng Dios ay naging dahilan para usigin siya ng kanyang mga kababayan (15:17).
Maaaring ganoon din ang nararanasan ng iba sa atin. Kagalakan para sa atin ang pagbasa ng Biblia pero nagdulot naman ng paghihirap at pag-uusig ang pagsunod natin sa Dios. Pero tulad ni Jeremias, maaari natin itong idulog sa Dios. Tinugon ng Dios si Jeremias sa pamamagitan ng pagpapaalala sa pangako Niya kay Jeremias noong tinawag siya ng Dios upang maging propeta (TAL. 19-21; 1:18-19).
Ipinaalala ng Dios sa kanya na hindi Niya kailanman pababayaan ang Kanyang mga anak. Maaari din nating panghawakan ang pangakong ito ng Dios. Tapat ang Dios at kailanma’y hindi Niya tayo iiwan o pababayaan.