Si Neil Armstrong ang kauna-unahang nakaapak sa buwan. Sinabi niya na malaking pangyayari ito para sa sangkatauhan. Pagkatapos ng makasaysayang kaganapang iyon, may ilan ding nakarating sa buwan at isa na rito si Gene Cernan na commander ng Apollo mission. Sinabi niya na masasabi talaga na hindi aksidente ang pagkakaroon ng mundo dahil napakaganda ng pagkakalikha rito. Kinilala ng mga austronaut na ito kung gaano sila kaliit kung ikukumpara sa napakalawak na mundo.
Kinikilala rin ni Propeta Jeremias ang kadakilaan ng Dios bilang Manlilikha at ang nagpapanatili ng lahat. Ipinangako ng Makangyarihang Manlilikha na ipakilala ang Kanyang sarili sa mas personal na paraan sa pamamagitan ng pagpapadama ng Kanyang pagmamahal, pagpapatawad at pagbibigay ng pag-asa (JEREMIAS 31:33-34).
Pinagtibay ni Jeremias ang katotohanang ang Dios “ang nag-utos para magbigay-liwanag sa maghapon, at sa buwan at mga bituin na magbigay-liwanag sa magdamag’ (TAL. 35). Siya ang maghahari sa lahat habang patuloy Siyang kumikilos upang iligtas ang Kanyang mamamayan (TAL. 36-37).
Hindi tayo matatapos sa pagtuklas sa hindi masukat na lawak ng langit at lalim ng pundasyon ng mundo. Gayon pa man, patuloy nating purihin ang ating Manlilikha habang namamangha tayo sa lahat ng Kanyang mga nilikha tulad ng buwan.