Tinalakay ng tagapagturo ng Biblia na si Richard Mouw sa kanyang librong Restless Faith ang kahalagahan ng pagalala sa mga aral na natutunan natin mula sa nakaraan. Binanggit niya rito ang sinabi ni Robert Bellah na isang sociologist na maituturing na maayos ang isang bansa na binubuo ng mga komunidad na inaalala ang nakaraan. Ayon pa kay Bellah, mahalaga rin ang prinsipyong ito sa loob ng isang pamilya.
Itinuturo din sa Biblia ang kahalagahan ng pag-alaala sa nakaraan. Ang Pista ng Paglampas ng Anghel ay ibinigay sa mga Israelita upang magsilbing paalala sa kanila ng ginawang pagliligtas sa kanila ng Dios mula sa pagkaalipin sa Egipto (EXODUS 12:1-30). Hanggang ngayon, ipinagdiriwang pa rin ng mga Judio sa iba’t ibang dako ng mundo ang pistang ito.
Mahalaga rin ang Paglampas ng Anghel para sa mga mananampalataya ni Cristo dahil tumutukoy ito pagsasakripisyo ni Jesus sa krus. Mababasa naman natin sa Aklat ni Lucas na nagsalu-salo sa isang hapunan si Jesus at ang Kanyang mga alagad. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ito ang Aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa Akin” (22:19).
Sa ngayon, nagtitipon tayo upang alalahanin ang ginawang pagliligtas ni Jesus sa atin mula sa pagkaalipin sa kasalanan at sa pagkakaloob Niya sa atin ng buhay na walang hanggan. Nawa’y taos-puso nating alalahanin ang pagmamahal ni Jesus na siyang nag-udyok upang iligtas tayo. At gawin natin ito nang samasama.