Minsan, napasigaw ang asawa ko pagpasok niya sa kusina. Nakita niya kasi na wala na ang karne sa plato at ang aso naming si Max ang kumain nito. Nang marinig ito ni Max, dali-dali itong tumakbo at sinubukang magtago sa ilalim ng isang kama. Pero nakita ko pa rin si Max dahil ang ulo at balikat niya lang ang nagkasya roon.
Nasabi ko kay Max, “Pagbabayaran mo ang kasalanan mo.” Sinabi rin iyon ni Moises sa dalawang lahi ng Israel nang paalalahanan niya sila na maging masunurin sa Dios at tuparin ang kanilang mga pangako. Sinabi ni Moises sa kanila, “Pero kung hindi ninyo ito gagawin, magkakasala kayo sa Panginoon at siguradong pagbabayaran ninyo ang inyong mga kasalanan” (BILANG 32:23).
Maaaring magdulot sa atin ng kasiyahan ang paggawa ng kasalanan pero iyon ay panandalian lamang. Labis na pasakit ang dulot nito dahil ito ang naghihiwalay sa atin sa Dios. Ipinaalala ni Moises sa mga Israelita na nakikita ng Dios ang lahat. Ayon pa sa manunulat ng Hebreo, “Walang makapagtatago sa Dios. Nakikita Niya at lantad sa paningin Niya ang lahat, at sa Kanya tayo mananagot” (4:13).
Pero kahit nakikita ng Dios ang lahat ng ginagawa natin, nais pa rin Niya na lumapit tayo sa Kanya dahil mahal Niya tayo. Ninanais ng ating banal na Dios na pagsisihan natin ang ating mga kasalanan, talikuran na ang mga ito at mamuhay na sa katuwiran (1 JUAN 1:9). Nawa’y sumunod na tayo sa Kanya simula sa araw na ito at ipakita rin ang ating pagmamahal sa Kanya.