Minsan, pumasok kami ng aking pamilya sa isang kainan. Habang inihahain ng crew ang aming pagkain, tinanong ng asawa ko kung ano ang pangalan nito. Pagkatapos, sinabi ng aking asawa, “Nananalangin kaming pamilya bago kumain, may gusto ka bang ipanalangin namin para sa’yo?” Napatingin sa amin si Allen na may halong pagkagulat at pagkabalisa. Matapos ng ilang sandaling pananahimik, sinabi niya sa amin na nakikitulog lang siya sa kanyang kaibigan, nasira ang kanyang sasakyan at gipit siya sa pera.
Habang nananalangin ang asawa ko na ipadama nawa ng Dios ang Kanyang pag-ibig kay Allen at ipagkaloob ang mga pangangailangan nito, naisip ko na ganoon din ang ginagawa ng Banal na Espiritu para sa atin. Sa mga panahong lubos tayong nangangailangan at alam nating hindi natin kayang haraping mag-isa ang mga pinagdaraanan natin, at kapag hindi natin alam kung ano ang sasabihin natin sa Dios, “namamagitan ang Banal na Espiritu” para sa atin (ROMA 8:27). Makatitiyak tayo na ayon ang mga ito sa kalooban ng Dios para sa ating mga buhay.
Sa susunod na idudulog natin sa Dios ang ibang tao upang sila’y gabayan, pangalagaan at pagkalooban Niya ng kanilang mga pangangailangan, alalahanin natin na mayroon ding nananalangin para sa atin.
May namamagitan para sa atin at idinudulog ang ating mga espirituwal na pangangailangan sa Dios na nakakaalam ng ating pangalan at lubos na nagmamalasakit sa atin.