Namamangha ako sa kakayahan ng aming lider. Tumutugtog kasi siya ng piano habang pinamumunuan kami sa aming pag-awit. Minsan, nang matapos ang aming pagtatanghal nakita ko siya na parang pagod na pagod. Kaya, tinanong ko siya kung ok lang siya. Sumagot naman siya, “Hindi ko pa nagawa iyon dati.” Tapos nagpaliwanag siya na nawala pala sa tono ang piano na gamit niya. Kaya naman, iba ang tono ng tunog ang ginagawa ng kanyang kaliwang kamay at iba rin naman ang sa kanan. Nagulat ako at labis na namangha sa sinabi niya. At higit akong namangha sa Dakilang Manlilikha na lumikha ng tao na kayang gawin ang bagay na iyon.
Lubos din naman ang pagkamangha ni Haring David sa Dios. Kaya naman, sinabi niya sa kanyang Salmo, “Pinupuri ko Kayo dahil kahanga-hanga ang pagkakalikha N’yo sa akin. Nalalaman ko na ang Inyong mga gawa ay tunay na kahanga-hanga” (SALMO 139:14). Sa kakayahan man ng tao o nakamamanghang kalikasan, itinuturo tayo ng lahat ng ito sa kadakilaan ng ating Manlilikha upang sambahin Siya.
Darating ang panahon na ang mga nagtitiwala kay Jesus ay haharap sa Dios. Sa pagkakataong iyon, ang mga tao sa bawat bansa ay sasamba at magpupuri sa Dios, “Karapat-dapat po Kayo Panginoon naming Dios na tumanggap ng parangal, papuri at kapangyarihan, dahil Kayo ang lumikha sa lahat ng bagay. At ginawa Ninyo ang mga ito ayon sa Inyong kagustuhan” (PAHAYAG 4:11).
Ang mga kamangha-manghang kakayahan na ibinibigay sa atin ng Dios at ang kagandahan ng Kanyang mga nilikha ay sapat na dahilan para sambahin Siya.