Akala ni Ming Teck na simpleng sakit lang ng ulo ang nararamdaman niya. Pero pagbangon niya sa kama, bumagsak siya sa sahig at dinala sa ospital. Ayon sa kanyang doktor, na-istroke siya. Pagkatapos ng apat na buwang pagpapagaling, nakakaramdam pa rin siya ng kirot. Madalas mang nawawalan ng pag-asa, nagpapasigla ng kanyang kalooban ang pagbabasa ng Aklat ng Job.

Nawala kay Job ang lahat ng kanyang ari-arian at mga anak sa isang iglap. Noong una, nagawa pa rin ni Job na purihin ang Dios. Kinilala Niya na ang Dios ang pinagmumulan ng lahat at may karapatang bawiin ang mga ito (JOB 1:21). Nakakamangha ang matatag na pananampalataya ni Job pero nawalan din siya ng pag-asa. Nang magkaroon siya ng sakit sa balat (2:7), sinumpa niya ang araw na isinilang siya (3:1).

Naging totoo siya sa pagpapahayag sa mga kaibigan niya at sa Dios ng kanyang nararamdamang hirap. Kalaunan, natutunan niyang tanggapin na ang mabuti at masamang pangyayari sa kanyang buhay ay pinahintulutan ng Dios (13:15; 19:25-27).

Sa ating mga pinagdaraanan, maaaring makaramdam tayo ng pag-asa at ng kawalan pag-asa sa parehong pagkakataon. Maaaring nagtitiwala tayo sa Dios pero nagdududa rin sa Kanya. Hindi naman inaasahan ng Dios na maging matapang tayo sa pagharap sa mga pagsubok ngunit hinihikayat Niya tayo na ilapit natin sa Kanya ang ating mga katanungan. At kahit na minsa’y nanghihina ang ating pananampalataya, makakaasa tayo na mananatiling tapat ang Panginoon.