Ilang taon na ang nakakalipas, binigyan ako ng 4 na taong gulang kong anak ng puso na gawa sa kahoy. Nakasulat sa gitna nito ang salitang ‘forever’. Sinabi sa akin ng anak ko, “Mommy, forever ko po kayong mamahalin.” Nagpasalamat ako at niyakap ko siya. Sinabi ko sa kanya, “Labis din kitang minamahal, anak.”
Patuloy pa rin na nagsisilbing paalala ng pagmamahal sa akin ng aking anak ang regalo niyang iyon. At sa tuwing may hinaharap akong pagsubok, iyon din ang ginagamit ng Dios upang patatagin ang aking loob dahil pinatutunayan nito na may lubos na nagmamahal sa akin.
Ipinapaalala rin sa akin ng pusong iyon ang walang hanggang pag-ibig sa atin ng Dios na mababasa natin sa Biblia. Mapagkakatiwalaan natin ang hindi nagbabagong kabutihan ng Dios at mapapapurihan natin Siya dahil sa Kanyang walang hanggang pag-ibig. Ayon sa Salmo 136, karapat-dapat luwalhatiin ang Dios dahil Siya ang pinakadakila sa lahat (TAL. 2-3), kahangahanga ang Kanyang mga himala at karunungan (TAL. 4-5), at dahil Siya ang lumikha ng langit at ng lupa at may kontrol sa oras (TAL. 6-9).
Kagalakan para sa atin na malamang ang walang hanggang pag-ibig ng Dios na binabanggit sa Salmo ang siya ring pag-ibig na patuloy Niyang ipinapadama sa lahat ng sumasampalataya sa Kanya. Ano man ang ating harapin, maaasahan natin na hindi nagbabago ang pagmamahal sa atin ng ating Manlilikha at patuloy Niya tayong palalakasin. Pasalamatan natin ang Dios sa hindi mabilang na paaalala ng Kanyang walang-hanggang pagmamahal!