Naantig ang aming mga puso nang minsang magpunta kami ng aking kaibigan sa isang mahirap na lugar sa Nairobi, Kenya. Kaawa-awa ang kalagayan nila roon. Gayon pa man, nakaramdam kami ng sigla nang makita namin ang mga bata na punong-puno ng tuwa habang tinatawag ang kanilang mchungaji o pastor. Malugod na sinalubong ng mga musmos na iyon ang kanilang pastor na nagmamalasakit sa kanila.
Nang dumating naman si Jesus sa Jerusalem na sakay ng isang asno, mga bata ang ilan sa mga masayang sumalubong sa Kanya. Kanilang isinisigaw, “Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!...Purihin ang Anak ni David!” (MATEO 21:9,15). Pero hindi lamang ang mga pagpupuri kay Jesus ang maririnig kundi maging ang mga ingay na mula sa mga nagtitinda na itinaboy ni Jesus sa templo (TAL. 12-13).
Ang mga pinuno naman ng relihiyon ng mga Judio ay galit nang masaksihan nila ang paggawa ni Jesus ng himala (TAL. 14-15). Ipinahayag din ng mga ito na hindi sila nasisiyahan sa pagpupuri ng mga bata kay Jesus (TAL. 16). Sa pamamagitan nito’y naipapakita lang ng mga relihoyosong ito ang kaawa-awang kalagayan ng kanilang puso.
Maaari tayong matuto sa pananampalataya ng mga bata mula sa ano mang panahon at lugar na kumikilala kay Jesus bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Tatanggapin ni Jesus ang ating mga pagpupuri at pakikinggan Niya ang ating mga panalangin kung lalapit tayo sa Kanya at magtitiwala na tulad ng buong-pusong pagtitiwala ng isang musmos na bata.