Nang minsang tanungin kami ng aming pastor ng isang napakahirap na tanong tungkol kay Jesus, itinaas ko agad ang kamay ko. Kakabasa ko lng sa Biblia ng tungkol doon kaya alam ko ang sagot. At gusto ko ring ipakita sa mga kasama ko sa klaseng iyon na alam ko rin iyon. Bilang isang tagapagturo ng Biblia, ayokong mapahiya sa harapan nila. Pero ibinaba ko ang kamay ko dahil naisip ko na mas nakakahiya ang takot ko na mapahiya.
Ipinakita naman ni Juan na tagabaustismo ang higit na mainam gawin. Nang magreklamo ang mga tagasunod ni Juan na nagsimula na silang iwan ng mga tao at sumunod kay Jesus, sinabi niya, “hindi ako ang Cristo. Isa lang akong sugo na nauna sa Kanya upang ipahayag ang pagdating Niya...tuwang-tuwa ako ngayon na lumalapit na ang mga tao kay Jesus.
Kailangang lalo pa Siyang makilala, at ako nama’y makalimutan na” (3:28-30). Napagtanto ni Juan na si Jesus ang dahilan kung bakit siya nabubuhay, “Si Cristo’y nagmula sa langit, kaya dakila Siya sa lahat” (TAL. 31). Siya ang Dios Anak na nag-alay ng Kanyang buhay para sa atin at Siya lamang ang karapat-dapat na tumanggap ng lahat ng kaluwalhatian at pagkilala.
Kung masyado nating ninanais na mapunta sa atin ang atensyon ng tao, nailalayo natin ang kanilang pagtuon sa Panginoon. Siya lang ang dapat bigyan ng pagkilala at kapurihan dahil Siya lamang ang ating Tagapagligtas at pag-asa. Hindi natin dapat agawin ang anumang kapurihan at pagkilala na para kay Jesus lamang. Ito ang pinakamabuti para sa Kanya, sa mundo at sa ating lahat.