Ang mga katagang, “Noong unang panahon” marahil ang isa sa pinakamakangyarihang mga salita sa buong mundo. Naalala ko noon na lagi kaming nananabik ng kapatid ko na makarinig ng kuwento mula sa aming ina. Tuwing gabi, binabasahan niya kami ng mga kuwento mula sa librong My Good Shepherd Bible Story Book na tungkol sa pagmamahal ng Dios at sa iba’t ibang mga tao noong unang panahon. Malaki ang naging impluwensiya sa amin ng mga kuwentong kung paano mamuhay sa mundo.
Si Jesus na taga-Nazaret ang maituturing na pinakadakilang tagakuwento. Alam Niya na likas sa atin ang pagnanais na makinig ng mga kuwento kaya iyon ang Kanyang ginamit na paraan upang maipahayag ang Mabuting Balita ng kaligtasan. Kabilang sa Kanyang mga kuwento ay ang kuwento tungkol sa taong naghasik ng binhi (MARCOS 4:26), kuwento tungkol sa buto ng mustasa (TAL. 31), at marami pang iba. Sinasabi sa aklat ng Marcos na nangaral si Jesus sa mga tao gamit ang pagkukuwento (TAL. 34).
Ginawa Niya iyon para tulungan silang mas makita nang malinaw ang mundo at mas maunawaan at lalong makilala ang Dios na nagmamahal sa kanila.
Dapat din natin itong isaalang-alang kung nais nating ipahayag sa ibang tao ang tungkol sa kahabagan at kagandahang-loob ng Dios. Magandang paraan ang pagkukuwento para mas mahikayat mong makinig ang mga tao.