Ipinahintulot ng Dios na isilang sa araw ng Biyernes ang aming anak na si Kofi at akmang-akma ang ipinangalan namin sa kanya dahil lalaking ipinanganak ng Biyernes ang ibig sabihin nito. Hango rin ang kanyang pangalan sa kaibigan naming tagaGhana na isang pastor. Namatay na ang nag-iisa niyang anak. Lagi niyang ipinapanalangin ang anak kong si Kofi.
Hindi natin malalaman ang kahalagahan ng isang pangalan kung hindi natin alam ang istorya sa likod nito. Sa Lucas 3, nakalista ang mga pangalan ng mga ninuno ni Jose na nagtapos sa kanyang ninunong si Adan at hanggang sa Dios (TAL. 38). Sinasabi sa tal. 31, “anak ni Natan, na anak ni David.” Tila nakakapagtaka na Natan ang ipinangalan sa anak ni David kay Batsheba (1 CRONICA 3:5). Nagkataon lang kaya ito?
Maaalala natin na si Batsheba ay hindi naman talaga asawa ni Haring David. May isang propeta noon na nagngangalang Natan ang lakas-loob na sinaway si David dahil sa pang-aabuso niya sa kanyang kapangyarihan para angkinin si Batsheba at patayin ang asawa nitong si Urias (2 SAMUEL 12). Tinanggap naman ni David ang pagsaway sa kanya ni Natan at pinagsisihan ang kanyang kasalanan. At sa pagdaan ng mga taon, pinangalanan nga niyang Natan ang anak niya. Masasabing akma na ito’y anak ni Batsheba at magiging isa sa mga ninuno ni Jose na ama ni Jesus dito sa lupa (LUCAS 3:23)
Lagi nating makikita sa Biblia ang kagandahang-loob ng Dios kahit sa pangalan na mula sa listahan ng angkan na hindi madalas basahin ng mga tao.