“Nagtitiwala ako kay Jesus at Siya ang aking Tagapagligtas. At hindi ako natatakot sa kamatayan.” Ito ang sinabi ni Barbara Bush sa kanyang anak bago siya mamatay. Siya ang asawa ng dating presidente ng Amerika na si George H. W. Bush. Naranasan niya ang kapayapaang kaloob ng Dios na mula sa kanyang pananampalataya kay Jesus.
Naranasan din ng taga-Jerusalem na si Simeon ang kapayapaang ito dahil kay Jesus. Sa patnubay ng Banal na Espiritu, pumunta si Simeon sa templo noong dinala nina Maria at Jose ang sanggol na si Jesus para ihandog sa Dios. Ayon kay Lucas, si Simeon ay matuwid, may takot sa Dios, naghihintay sa pagdating ng haring magliligtas sa Israel, at “sumasakanya ang Banal na Espiritu” (LUCAS 2:25). Gayon pa man, hindi pa nararanasan ni Simeon ang kapayapaan hanggang sa makita niya si Jesus.
Habang hawak ang sanggol na si Jesus, umawit ng papuri si Simeon, “Panginoon, maaari N’yo na akong kunin na Inyong lingkod, dahil natupad na ang pangako N’yo sa akin. Mamamatay na ako nang mapayapa, dahil nakita na ng sarili kong mga mata ang Tagapagligtas, na inihanda Ninyo para sa lahat ng tao” (TAL. 29-31). May kapayapaan siya dahil nakita niya ang nakatakdang magbibigay ng pag-asa sa buong mundo.
Sa ating pag-alala sa buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus, ang ipinangakong Tagapagligtas, nawa’y magalak tayo dahil sa kapayapaang kaloob ng Dios.